Thursday, October 8, 2009

“Bagong Umaga”

ni Gladys Gojo Cruz

Isang umaga siya ay nagising

Makabago sa mata ang mundo

Ngunit ginto

Sa kanyang sariling paningin


Isang umaga siya ay namulat

Bago ang lahat

Pati ang lupain

Nang mamalas na ito’y angkinin

Nagbibigay kagandahan o kapahamakan sa atin


Isang umaga, panahon ay dumating

Teknolohiya’y nagbabadya

Na sa ating harapan ay abutin

Sa bilis at inam na ibinibigay sa atin

Nakaraa’y nilimot na’t makabago’y tangkilikin


Isang umaga nga,

Kabataa’y dapat hubugin

Subalit nilamon ng akala’t

Sa makabagong mundo ay natanim


Isang umaga pa na darating

Muli nating abutin ang bituin

Iwasang kumapit sa dilim

Baguhin ang maling gawa ng makabago sa atin

At manalangin ng mataimtim.

Ikaw ba 'to?

ni Raymart Anthony Santos

“Kasabay ng paglipas ng panahon ang mabilis mong pagbabago.” Hindi na ikaw ang dating palatawa at mapaglarong kabataang nagbibigay-buhay sa mga lansangan at bumabasag sa nakabibinging katahimikan ng kapaligiran. Malaon nang naglaho ang ngiti sa iyong mga labing nagdudulot ng sigla sa sinumang makakita; hindi na maaninag sa iyong mga mata ang dating maamong kislap na kababanaagan ng saya at kakuntentuhan sa buhay; at nawala na sa iyong himig ang lambing na dulot (at nagdudulot) ng inspirasyon sa iyong mga mahal sa buhay.

Ngayon, nakakulong ka na lamang sa silid kaharap ang kahong hindi maiwan kahit saglit ng iyong paningin – isang kahong ginagamit mo upang magtungo sa pangarap mong pook, kung saan ang karahasan at kalaswaan ay hindi ipinagbabawal. Ang mukha mo ay larawan ng poot habang ang mga daliri ay nanggagalaiting pinapatay ang mga kapwa kabataan sa isang laro kung saan kayo ay nabubuhay sa katauhan ng mga diyablo. Digmaan, pagdanak ng dugo, at kamatayan ang nagdudulot sa iyo ng kagalakan.

Makapal na ang alikabok ng mga libro mo at natutuyo ang tinta ng pluma, sapagkat ang tanging kilala mo na lamang ay ang mga kagamitang umiilaw, pinipindot, tumutunog, may gumagalaw na mga larawan, o ang mga maaaring gamitin upang makipag-usap sa ibang tao sa isang iglap, gaano man sila kalayo.

“Kasabay ng paglipas ng panahon ang mabilis mong pagbabago”, ngunit nangangahulugan ba itong ang paglipas ng panahon ang dapat sisihin sa iyong pagbabago?

Panahon na ng modernisasyon kung saan ang teknolohiya ay patuloy na yumayabong at lumalaganap. Ito ay patunay na malayo na ang nararating ng mga mapanaliksik na isip ng mga tao. Madali na ang lahat. Ang mga mahusay at halos perpektong nagagawa ng mga hi-tech na gamit ay may napakalaking tulong at kontribusyon sa pagpapaunlad ng lipunan. Ngunit bakit ganyan ang epekto nito sa iyong pagkatao?

Ang lahat ng sobra ay nakasasama. Dapat mong alalahanin na maganda ang daigdig – ang totoong daigdig at hindi ang katha ng iyong isip – kung bubuksan mong muli ang iyong paningin sa kapaligiran mong puno ng kulay; masaya ang buhay – ang tunay na buhay at hindi ang iyong pantasya – kung susubukin mong muling maglaan ng oras sa mga taong nagpapahalaga sa iyo; at higit sa lahat, masarap mabuhay sa sarili mong katauhan – at hindi sa katauhan ng anumang walang pakiramdam, pang-unawa, at kaluluwa – kung matututunan mong tanggapin na ang ikaw na kilala mo, ay ang ikaw na pinili ng Diyos upang maging anak Niya, gaano man karami ang iyong pagkukulang.

Teknolohiya: Kaibigan o Kaaway?

ni Reach Ann Villegas


Ang teknolohiya’t kabataan

Laging magkadikit ‘di nag-iiwanan,

Sa lahat ng dako sila’y mamamasdan

‘Pagkat makabago’y kanilang libangan


Mausisang bata sa lahat ng bagay

Sa teknolohiya’y hindi mapalagay,

Ang husay at galing kanyang ibinigay

Ng dahil sa kanya ito ay nabuhay


Nagagamit ito sa komunikasyon

Sa mga larawan naaaliw tayo

At gumagaan na rin ang ating trabaho

Binibigyang solusyon anumang sitwasyon


Ngunit bakit ngayon sa kabilang dako

Ay nakasasama ang nagiging dulot,

Computer at cellphone, t.v man o radyo,

Ay nagiging sanhi ng sala ng tao


Kabataang tamad sa trabaho

Ang teknolohiya’y kanyang inabuso

Kaya lumalaon kulang sa talino

Mangmang kung tawagin, kung minsan pa’y bobo


Ang teknolohiya’y may limitasyon din

Huwag gamitin kung hindi aayusin

Ating kailangan ito’y pagyabungin

Sa lahing susunod magpasalin-salin


Kabataan noon... kabataan ngayon...

Ang teknolohiya’y kayo’y hinahamon,

Kayo’y magsaliksik, upang mapagyabong,

Ito’y walang saysay kung ‘di mag-aayon.

Techy Vs. Book

Sa panahon ng facebook, twitter at thumbler, may laban pa ba ang mga libro? Magbabasa ka pa ba ng mga libro para makuha ang mga sagot sa mga katanungan ng isip mo o uupo na lang at haharap sa computer at sa isang click ay may kasagutan na sa iyong mga katanungan?

May kani-kaniyang dahilan ang bawat tao sa pagsunod ng ikot ng mundo, kasama na rito ang pagpili ng direksyon ng paraan ng pag-aaral, paglilibang at pananaliksik. At ang iba naman ay sumusunod lang sa uso.

Tama ang nasa internet, tama rin ang nasa libro, nasa gumagamit na lang at umiintindi kung paano niya ito gagamitin at maisasabuhay ang mga silbi nito.

Sa larangan ng pananaliksik, internet at mga libro ang pangunahing batayan para maisagawa ang pagpapalaganap ng mga bagong tuklas ng siyentipiko at sa araw-araw na paglilibang. Ang internet at mga libro ang sumasaklaw sa parehas na lebel sa buhay ng mga tao, may mga taong nalilibang sa net at mayroon naman na mas nalilibang sa pagbabasa ng libro.

At isipin mo ang panahon nina Jose Rizal, Apolinario Mabini, kung may FB, twitter at thumbler na kaya noon? Ganito rin kaya ang magiging paliwanag nila sa kanilang guro kung ipapatukoy ang kahulugan ng internet at libro? Ganito rin kaya ang magiging pananaw nila?

Mapanlinlang na Anyo ng Teknolohiya

ni Reach Ann Villegas

Ang paglinang at pagbuo sa maraming kapaki-pakinabang na bagay ay siyang nagbubunga ng pagdami ng mga taong hindi na mapakinabangan. Para sa nakararami, ang teknolohiya ay isang biyaya, biyaya ng siyensya na siya natin ngayong tinatamasa. Sa katotohanan, ito ay tila nag-aalok ng magagandang bagay sa isa nitong kamay habang sinasalakay ang iyong likuran sa kabila nitong kamay. Samakatuwid, maraming tulong sa atin ang teknolohiya ngunit mas maraming pinsala ang maaaring idulot nito sa atin pagkatapos. Nagkalat sa paligid ang mga produkto ng teknolohiya; katuwang ito ng tao sa anumang gawain na wari baga’y wala nang buhay kung wala ito.

Kadikit na ng kabataan ang salitang teknolohiya; hindi na mawawala sa kanila ang kaisipan na “mas bago” at “mas maganda”. Patok na patok sa kabataan ang mga makabagong kagamitan tulad ng cellphone, computer, PSP at iba pa. Sa mga mag-aaral hindi na kailangang sumangguni sa maraming libro para lamang makalagap ng impormasyon; sa internet, ilang segundo lamang ang itatagal at tapos na ang paghahanap. Mainam sana ito kung hindi naaabuso, kadalasan ay ginagamit ang internet sa mga immoral na gawain tulad ng pornograpiya. Nalalason ang murang isipan ng kabataan sa mga bagay na hindi naman nito dapat malaman ngunit dahil sa mass media nagiging madali ang paglinang ng lahat ng bagay. Bukod dito, nakakalimutan na rin ng kabataan ang kahalagahan ng pagtitiyaga at pagsisipag upang makamit ang anuman niyang naisin.

Dahil madali at maginhawa na ang pamumuhay sa panahon natin ngayon, marami ang habang lumalaon ay nagiging alipin ng katamaran. Isa ito marahil na dahilan kung bakit paunti nang paunti ang mga mahuhusay na mag-aaral. Dahil sa tulong ng computer, cellphone at calculator, hindi na madalas napapagana ang utak ng isang indibidwal sapagkat mayroon namang gumagawa nito para sa kaniya. Kung ating bubulayin, mas mabilis pang lumipon ng kaalaman ang siyensya kaysa pag-impok ng karunungan ng kabataan.

Ayon nga sa isang kilalang manunulat mula sa America, ang mga kaunlarang pang-teknolohiya ay walang ibang itinutustos sa atin kundi mga paraan upang tayo’y umusad paurong.

Huwag nating pagkatiwalaan ang anumang bagay na kayang mag-isip para sa sarili nito kung hindi naman natin nakikita kung saan nakakubli ang utak nito.

Magulong Mundo ng Gadgets sa Kabataan

ni Patrice Ladia

Tungkulin ng mga kabataan ang mag-aral.Kapag ang kabataan ay napagod na sa kanilang pag-aaral, sa pagre-rebyu na ilang halimbawa sa kanilang pagsu-sulit, may mga maaari na sila ngayong pagpilian sa dami ng mga makabagong kagamitan ngayon. Maaari silang mag-laro ng PSP,makinig ng musika sa iPod, mag-surf sa internet, o di kaya naman ay makipag-kwentuhan gamit ang cellphone.

Isa sa mga patok na gamit ngayon ay ang cellphone. Ito ay isa sa maraming bagay na napapabilis ang mga gawain. Marami itong modelo na mas naghihikayat sa mga kabataan na bilhin at tangkilikin. Isa sa mga patok na gamit ng cellphone ay ang text messaging. Sa ngayon, ito ang pinakamabilis at pinakamura na option sa pakikipagkomunikasyon, lalo na at nauuso na ngayon ang unlitext, sulitext, immortal text at kung anu-ano pa na inaalok ng mga telecommunication company. Ngayon nga pati na rin sa panliligaw ay ginagagamit na rin ang texting ng mga makabagong kabataan. Ang cellphone din ngayon ay mayroon ng video na nagiging negatibo ang kinalabasan sa mga kabataan, sa kadahilanang pag i-store ng mga sex video o sex scandal na nagiging ugat para mamulat ang mga kabataan at gawin ang mga sensitibo at mahalay na gawain.

Ang isa pa sa mga patok na patok ngayon sa kabataan ay ang computer o di kaya ay ang laptop. Halos lahat yata ng tahanan ngayon ay mayroon ng computer. Ang isa sa mga gamit nito ay ang internet. Alam naman natin na halos lahat ng impormasyon na kailangan natin ay maari na nating makuha sa pamamagitan ng internet. Ito ay mas mabilis kaysa sa magbuklat pa ng libro. Ang computer ay mayroon ding Microsoft Word, Powerpoint at marami pang iba na tumutulong sa mga estudyante para mapabilis ang kanilang paggawa ng mga research work at reports. Sa computer ay maari na rin na makapaglaro ng mga games. Ito ay ang pinakatalamak na gamit ngayon ng computer sa mga kabataan. Ngunit ang computer ay mayroon ding masamang epekto sa mga kabataan. Maraming kabataan ang nalululong sa mga gamit nito, kaya mas madalas ay puro laro na lamang ang inaatupag kaysa sa paga-aral. Humahantong ang mga kabataan sa pagka-adik sa computer at mas pinipili na mag-cutting o di kaya ay ang mag-absent sa klase. Bukod sa mga games ang internet ay may mga site na nakakasira sa mata at pag-iisip ng mga bata, sapagkat marami rin dito na mga panoorin na masyadong mahalay na nagiging dahilan para ang mga kabataan ay maaga ma-expose mga maseselang gawain na nagiging dahilan sa maagang pagpasan ng responsibilidad bilang magulang.

Ang PSP , Xbox at kung anu-ano pang gaming gadgets na nauuso ngayon ay isa pa sa mga bagay na nakakatulong din na makapagpa-relax matapos ang nakakastress na pag-aaral, ngunit may mga laro na masyadong bayulente sa mata at kaisipan ng mga bata. Kaya mas nakakatulong ang tamang pag-gabay ng mga magulang at tamang pagpili ng mga laro na hindi nakakasama sa pag-iisip ng mga kabataan.

Ang Ipod ay bentang-benta rin ngayon sa mga kabataan. Katulad ng mga nauna ng natukoy na kagamitan ito rin ay nakakatulong na makapagparelax. Ang Ipod ay hindi masyadong kumplikado hindi gaya ng ibang mga hi-tech na gadgets, ngunit na sa tamang pagpili rin ng mga tugtugin na maaring magdulot ng maganda o masama na makakaimpluwensiya sa pag-iisip ng mga kabataan.

Lahat ng mga makabagong kagamitan ngayon ay mayroon din namang limitasyon na dapat ay na sa tama ang ating pag-gamit upang hindi ito makasagabal at tuluyang sirain ang kinabukasan ng mga kabataan.